METRO MANILA – Inilatag ng Malacañang ang timeline para sa dry run ng face-to-face classes sa mga piling paaralan sa mga lugar na itinuturing na Covid-19 low risk areas.
Sa January 11-23, 2021 ipatutupad ang pilot activities na magkatuwang na imomonitor ng DepED at Covid-19 National Task Force.
Bago ito, magsusumite ang Regional Directors kay Education Secretary Leonor Briones ng kanilang nominated schools para sa dry run
December 28 naman pipiliin ng kalihim ang pilot schools. Sa January 4 hanggang 8, 2021, isasagawa ang orientation at kukumpirmahin ang mobilization at pagiging handa ng mga napiling paaralan.
Pagkatapos ng pilot implementation, magsusumite ng ulat ang regional office at magsasagawa ng evaluaton para sa pinal na rekomendasyon ng presidente.
Iginiit ng palasyo na hindi mandatory ang dry run ng physical classes, bagkus ay boluntaryo ang pakikihalok ng mga mag-aaral.
Kailangan din ang permit ng mga magulang sa mga batang nais makalahok dito.
At dapat, aprubado rin ng lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng face-to-face classes.
“Wala pong pilitan, boluntaryo po ito. Kinakailangan mayroong approval ng mga magulang at bukod dito, dapat papayag din po ang lgu. Kung ayaw ng lgu, hindi po natin ipipilit itong pilot face-to-face.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: DepEd, Malacañang