Dry-run ng carpooling lane sa Edsa, pinalawig hanggang Enero 2018

by Radyo La Verdad | December 21, 2017 (Thursday) | 4223

Nangangailan pa ng karagdadag panahon ang Metropolitan Manila Development Authority upang matukoy kung magiging epektibo ba sa pagsasa-ayos ng trapiko ang panukalang carpool lane sa Edsa.

Ayon kay MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia, bagaman mayroon namang mga motorista na sumusunod, marami pa rin ang mga pasaway na driver na dumadaan pa rin sa itinalagang carpooling lane.

Bukod sa mga pasaway na motorista, malaking hamon pa rin sa MMDA ang pagmo-monitor sa mga sasakyan na heavily tinted.

Sa datos ng MMDA Metrobase, simula December 11 hanggang 17, umabot na sa mahigit labing-apat na libong mga sasakyan ang hindi makita ang bilang ng pasahero dahil sa makapal na tint.

Dahil dito, plano ngayon ng MMDA na gumamit ng thermal cameras na inaasahang makatutulong upang mas mabilis nilang matukoy ang bilang ng mga tao sa loob ng isang sasakyan.

Hindi tulad ng pangkaraniwang camera, may kakayahan ang thermal cameras na ma-detect ang isang tao sa pamamagitan ng init sa ating mga katawan. Kadalasan rin itong ginagamit sa mga airport upang matukoy kung may sakit ang isang pasahero na papasok sa isang bansa.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan ang MMDA sa Department of Science and Technology kaugnay sa pagbili ng mga naturang aparato. Hindi pa masabi ng MMDA kung kailan at ilan  ang posibleng nilang bilhin  dahil wala pang pondo ang ahensya para dito.

Target ng MMDA na isagawa ang dry run ng carpool lane hanggang sa Enero. Pagkatapos nito ay muling magsasagawa ng assesment ang Metro Manila Council kung itutuloy ang implementasyon nito sa Edsa.

Sakaling matuloy, posibleng simulan ng MMDA ang opisyal na implementasyon ng carpooling lane sa unang quarter ng 2018.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,