Drug problem sa New Bilibid Prison, naibaba na sa 20% ayon kay Director General Bato Dela Rosa

by Radyo La Verdad | June 25, 2018 (Monday) | 6372

Nabawasan na ang problema sa ilIgal na droga sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay BuCor Director General Usec. Ronald Bato Dela Rosa, nagpatupad siya ng mas mahigpit na inspection sa mga dalaw. Maging sa mga babae na posibleng nagsisingit ng droga sa panty ay mahigpit na iniinspeksyon.

Noong huling Oplan Ukay-Ukay ayon kay Bato, kakaunti na ang mga droga, telepono at iba pang kontrabando na nakuha nila.

Kaya’t tinatayang nasa 20% na lamang ng iligal na droga ang problema sa loob ng New Bilibid Prison.

Sinabi ni Bato, nagpatupad din siya ng mahigpit na polisiya sa gabi tulad ng pagpapatay ng ilaw at sabay-sabay na pagtulog ng mga preso ng alas dyes ng gabi. Kalimitan aniyang sa gabi ginagawa ang transaksyon ng ipinagbabawal na gamot.

Para naman sa mga lumalabag sa patakaran ni Bato, hindi na umuubra sa kanya ang modus ng mga presong nagpapanggap na baliw para ilipat sa hiwalay na selda.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,