Drug money, posibleng nagamit sa barangay at SK elections – PDEA

by Radyo La Verdad | May 18, 2018 (Friday) | 4356

Sa inisyal na ulat na natanggap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), 26 na kandidato sa pagka-punong barangay at 15 sa pagka-kagawad na kasama sa kanilang narco list ang nanalo sa nagdaang May 14 elections.

Bagama’t may pangamba dito ang PDEA pero iginiit nito na hindi sila nagkulang ng paalala sa publiko.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, posible rin umanong may nagamit na drug money sa nagdaang barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Pero dahil wala pang kaso at hindi pa nahahatulan ang mga ito, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), maari pa rin silang umupo sa pwesto.

Sa mahigit dalawang daang barangay officials na nasa narco-list ng PDEA, 1 pa lang ang nasasampahan ng reklamo sa Ombudsman.

Pero ayon sa PDEA at DILG, inihahanda na nila ang mga ihahaing reklamo laban sa iba pang opisyal.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,