Drug-free Philippines, posible pa rin sa 2022 ayon sa Malacañang

by Erika Endraca | December 11, 2020 (Friday) | 816

METRO MANILA –

Kumpiyansa ang Malacañang na kaya pa ring maresolba ng bansa ang suliranin sa operasyon ng iligal na droga.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magagawa ito kung lahat ng lokal na pamahalaan ay paiigtingin ang laban kontra ipinagbabawal na gamot.

“Kampante pa rin po tayo, kung makikipagtulungan po talaga ang lokal na pamahalaan, na iyong natitirang 14,308 barangays ay magiging drug free pa rin pagdating po ng pagtapos ng termino ng ating presidente.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Tugon ito ng palasyo nang tanungin kaugnay ng naging pahayag ni Dangerous Drugs Board Chairman Catalino Cuy.

Ayon kay cuy, bagaman ang optimistic target sa kampanya ay magkaroon ng drug-free communities sa 2022, tila hindi na kaya itong abutin realistically.

Iniulat naman ni Sec. Roque, na sa 42,045 barangays sa bansa, 20,538 na ang drug free. Isa ang war on drugs sa pangunahing programa ng Duterte administration,

Bagaman ipinangako ng presidente na reresolbahin ang suliranin sa illegal drugs sa loob ng unang 3 hanggang 6 a buwan sa pwesto, aminado ang punong ehekutibo na hindi ito kakayanin sa tindi ng sulirinan at ipinangakong ipagpapatuloy ang drug war hanggang sa katapusan ng kaniyang termino.

Libo-libo naman ang naitalang drug killings subalit, pauli-ulit na sinasabi ng Duterte administration na hindi ito state sanctioned.
(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: