Drug Enforcement Unit sa lahat ng mga istasyon ng pulisya sa bansa, binuwag na ng PNP; PDEG mananatili

by Radyo La Verdad | October 12, 2017 (Thursday) | 3079

Binuwag na ng Philippine National Police ang lahat ng mga Drug Enforcement Unit sa lahat ng mga istasyon sa buong bansa.

Kaugnay ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na mailipat sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang lahat ng operasyon kontra iligal na droga.

Lahat ng mga tauhan mula sa Drug Enforcement Unit ay gagawing mga detective o police intel sa kani-kanilang mga lugar upang tumulong sa crime prevention.

Subalit ang PNP Drug Enforcement Group o PDEG hindi bubuwagin, mangangalap na lamang ito ng drug-related intelligence report.

Lahat ng mga nakabinbing kaso na hawak ng PDEG ay ililipat na lamang sa PDEA. Suspindido na rin ang lahat ng oplan tokhang operations at Oplan Double Barrel.

Base sa Memorandum Order, pinagbawalan ang PNP na magsagawa ng mga drug-related plan operation. Subalit iginiit ng PNP na katulong pa rin sila sa laban kontra iligal na droga.

Bukas ang lahat ng mga istasyon ng PNP na tumanggap ng mga sumbong o impormasyon ukol sa mga drug den, pot session at lokasyon ng mga shabu lab at papasa naman nila sa PDEA. Lahat naman ng lalabag sa Memorandum Order ay lalapatan ng kaukulang parusa.

Sa pinakahuling tala ng PNP, nakapagsagawa sila ng halos walumpung libong drug-related operations simula July 1,2016 hanggang August 29, 2017, mahigit isang daang libong drug personality ang naaresto at halos apat na libo ang namatay sa anti-drug operations.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,