RIZAL, Kalinga– Kinumpirma ni Kalinga Police Provincial Director Col. Davy Vicente Limmong na sa pamamagitan ng drone ay nadidiskubre at tuluyan nang napupuksa ang mga taniman ng marijuana sa lalawigan.
“Gumagamit tayo ng drone para matunton natin ang ibang location ng plantation. Ito ang dahilan kung bakit medyo tuluy-tuloy ang ating mga marijuana eradication sa lahat ng lugar,” pahayag ni Col. Limmong sa isang panayam nitong Lunes (Mayo 24).
Bukod sa paggamit ng drone ay nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa iba pang mga departamento tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), pati na rin sa mga barangay official upang mahanap ang mga plantasyon.
Naniniwala naman si Col. Limmong na kaya uling matuldukan ang naturang isyu sa pamamagitan din ng pagbibigay ng alternatibong hanap-buhay sa mga residente.
Matatandaang ang UNTV ang kauna-unahang TV station sa bansa na gumamit ng drone sa pagbabalita nang maminsala ang bagyong Yolanda sa Leyte noong 2013.
(Rhuss Egano | La Verdad Correspondent)
Tags: Drone