Draft IRR para sa motorcycle taxis, binubuo na ng DOTR

by Radyo La Verdad | February 11, 2019 (Monday) | 2585

Matapos maipasa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas upang gawing legal ang operasyon ng mga motorcycle taxi, at habang hinihintay ang bersyon ng Senado sa panukalang ito, gumagawa na rin ng draft implementing rules and regulations ang Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay DOTr Road Transport and Infrastructure Usec. Mark de Leon, isinasapinal na nila ang mga isyu sa paggamit ng motorcycle taxi, gaya ng kung saang mga kalsada ito papayagang dumaan, speed limit, insurance, at training ng mga driver.

“Kapag pumasa ang law, nandiyan na agad, ready na agad ang ating IRR,” ani de Leon.

Samantala, tila natatagalan naman ang House Committee on Metro Manila Development sa takbo ng proseso kaya nais ng mga kongresista na maglabas ng Department Order ang ahensya para magsagawa ng pilot testing sa Metro Manila.

“If we are going to wait for the bill, we have to wait for the next congress re-file it, matatagalan tayo masyado,” sabi ni 3rd Dist. Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves.

Pero ayon sa mga opisyal ng ahensya, tali ang kanilang kamay sa kung ano ang sinasabi ng batas.

“We are legally bound by Section 7, which says that private motorcycles are not a mode of public land transportation,” giit ni Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Atty. Samuel Jardin.

Hiniling naman ng angkas na isali sila sa isasagawang pilot testing.

“We really submit that we can use Angkas as test case to see if these regulations are really working for common good,” ani George Royeca, Head ng Regulatory and Public Affairs ng Angkas.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: ,