METRO MANILA, Philippines – Habang hinihintay ang bersyon ng Senado sa panukalang pagsasa-ligal ng motorcycle taxi gumagawa na rin ng draft implementing rules and regulations ang Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay DOTr Road Transport and Infrastructure Undersecretary Mark de Leon, isinasapinal na nila ang mga isyu sa paggamit ng motorcycle taxi. Gaya ng kung saang mga kalsada ito papayagang dumaan, speed limit, insurance at training ng mga driver.
“Admittedly, yung third meeting ipa-finalize namin ‘yung IRR medyo kailangan lang i-refine ‘yung mga clauses doon,” aniya.
Ang House Committee on Metro Manila Development ay nais na maglabas na lamang ng department order ang ahensya para magsagawa ng pilot testing ng operasyon ng motorcycle taxi sa Metro Manila.
“If we are going to wait for the bill we have to wait for the next congress refile it, matatagalan tayo masyado,” ani Representative Arnulfo Teves.
Ngunit ayon sa mga opisyal ng ahensya tali ang kanilang kamay sa kung ano ang sinasabi ng batas.
“We are legally bound sa section 7, which says that private motorcycles are not a mode of public land transportation,” pahayag ni Attorney Samuel Jardin, executive director ng LTFRB.
Hiniling naman ng bike-hailing app na Angkas na isali sila sa isasagawang pilot testing.
Hirit ni Mr. George Royeca, Head regulatory and public affairs ng Angkas, “We really submit that we can use Angkas as test case to see if these regulations are really working for common good.”