DOTr Usec. Chavez, nagbitiw sa pwesto

by Radyo La Verdad | November 24, 2017 (Friday) | 2460

Ikinagulat ng marami ang biglaang pagbibitiw sa pwesto ni Department of Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez na pormal niyang inianunsyo kahapon.

Ayon kay Chavez, nagdesisyon siyang magresign sa kaniyang posisyon matapos ang nangyaring pagkakakalas o decoupling ng bagon ng MRT noong November 16, sa pagitan ng Ayala at Buendia Station. Suspetsya ng ilan, tila may taong nasa likod ng biglaang pagreresign ni Chavez.

Isa si Bayan Muna Representative Carlo Zarate sa aniya’y nagdududa sa biglaang naging desisyon ni Chavez. Mariin namang itinanggi ni Chavez na mayroong personalidad na nag-pressure sa kaniya upang iwan ang kaniyang posisyon.

Samantala, sa pahayag na inilabas kahapon ni Transportation Secretary Arthur Tugade, pinabulaanan nito na iniutos ang pagreresign ni Chavez. Aniya, ikinagulat rin niya ang naging desisyon ng opisyal, at iginiit na buo pa rin ang kaniyang tiwala dito.

Sa ngayon, plano muna ni Chavez na magpahinga mula sa trabaho at maglaan ng oras upang makasama ang kaniyang pamilya.

October 2016, nang manumpa si Chavez bilang Undersecretary for Rails ng DOTr kapalit ng nagbitiw rin noon na si Noel Kintanar. Dati na rin siyang nanungkulan bilang Deputy Administrator ng Light Rail Transit Authority mula 2004 hanggang 2010.

Pinamunuan niya ang ilang matagumpay ng proyekto sa rail sector gaya na lamang ng pagpapatayo ng extension ng LRT Line-1 mula Monumento sa Caloocan hanggang North Avenue sa Quezon City.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,