DOTr, target na maibalik sa 18 ang mga tren na tumatakbo sa MRT-3

by Radyo La Verdad | January 11, 2018 (Thursday) | 4105

Mala-blockbuster na pila ng mga pasahero, ito ang pangkaraniwang senaryo na makikita sa bawat istasyon ng MRT-3, partikular na tuwing rush hour araw-araw.

Base sa orihinal na reliability ng MRT-3, nasa 18 hanggang 20 mga tren ang dapat na tumatakbo sa mga oras na sumasakay ang bulto ng mga pasahero ayon sa Department of Transportation.

Ngunit dahil umano sa kakulangan ng mga piyesa at mga tren na hindi pa rin nao-overhaul dahil sa sinasabing kapabayaan ng nakaraang maintenance provider, sa ngayon ay umaabot lamang sa 13 hanggang 14 na mga tren ang kayang mapatakbo ng maintenance transition team kahit na peak hours.

Sa presentasyon na isinagawa kahapon ng DOTr hinggil sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang maiayos ang serbisyo ng MRT, sinabi ni DOTr Officer Incharge Undersecretary for Rails Timothy John Batan at Director for Operations Engineer Michael Capati na sinisikap nilang maibalik sa 18 ang operational trains, pagkatapos ng gagawin general maintenance sa Marso.

Dagdag pa dito ang pagdating ng mga piyesa na binili ng DOTr sa ibang bansa upang maiayos ang iba pang mga tren ng MRT.

Samantala, natanggap na rin anila ng DOTr ang kumpirmasyon mula sa Japanese Government hinggil sa gagawing pakikipagtulungan nito sa maintenance at rehabilitasyon sa buong sistema ng MRT.

Umaasa naman ang mga pasahero na hindi mananatiling pangako ang mga planong pagbabago sa MRT.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,