DOTr, sisimulan na ang pamamahagi ng fuel voucher sa mga tsuper sa Hulyo

by Radyo La Verdad | June 19, 2018 (Tuesday) | 3930

Hinihintay na lamang ng Department of Transportation (DOTr) ang kumpletong listahan ng mga jeepney driver mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang masimulan ang pamamahagi ng fuel voucher sa Hulyo.

Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport Thomas Orbos, kada driver ay bibigyan ng tig-limang libong pisong subsidiya upang makadagdag sa panggastos sa diesel.

Ang hakbang na ito ay ayon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng ayuda ang mga kababayan nating lubhang apektado ng epekto ng TRAIN law.

Samantala, aarangakada na rin ngayong araw ang pagbiyahe ng labing limang modernong mga jeep na inilunsad kahapon ng DOTr. Automated o beep card na ang gagamitin ng mga pasahero sa pagbabayad ng pamasahe.

Sampung piso ang pamasahe dito para sa unang apat na kilometro ng biyahe at karagdagang dalawang piso para sa kada susunod na kilometro.

Pamamahalaan naman ng Senate Employees Transport Cooperative ang pagbiyahe ng mga bagong jeep. Ang kooperatiba na rin ang bahalang magpasweldo sa mga driver.

Ayon sa DOTr, target nilang makapaglunsad ng hanggang sa 500 unit ng modernong mga jeep bago pa ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Hulyo.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,