DOTr: Provincial bus, dapat huminto sa PITx

by Jeck Deocampo | February 4, 2019 (Monday) | 4752
Photo courtesy: Department of Transportation

METRO MANILA, PHILIPPINES – Iginiit muli ng Department of  Transportation (DOTr) ang kahalagahan ng paggamit sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ng mga provincial bus mula Cavite at Batangas upang maibsan ang matinding traffic at maiayos ang sistema ng transportasyon sa Metro Manila.

Ginawa ng DOTr ang pahayag bilang tugon sa panawagan ni Cavite Governor Jesus Crispin Remulla na muling payagang dumiretso na ng Metro Manila ang mga bus na nanggagaling sa Cavite.

Nanindigan naman ang DOTr na hindi na dapat payagang bumagtas pa sa Metro Manila ang mga provincial bus na mula sa Cavite at Batangas.

Sa official Facebook page ng gobernador, nakiusap ito sa DOTr na muling pag-aralan ang sistema sa PITX. Katwiran ng opisyal, marami aniyang mga commuter mula sa Cavite ang nagrereklamo dahil sa pahirapang sistema.

Marami umano sa mga taga-Cavite ang nahuhuli sa kanilang mga trabaho at nadodoble ang pamasahe dahil sa hindi maayos na sistema sa PITX. Ilan sa mga inirereklamo ang kakulangan ng mga bus na maghahatid sa mga pasaherong magmumula sa Cavite na papasok sa Lawton at Pasay.

Paliwanag naman ng DOTr, maraming mga pasaway na bus ang hindi humihinto sa PITX at nagsasakay pa rin ng mga pasahero sa dati nilang mga ruta kaya’t nagkukulang ang mga bus.

Sa ngayon, nagbukas na ang DOTr at LTFRB ng aplikasyon para sa mga bagong prangkisa upang matugunan ang kakulangan ng mga bus sa PITX.

Naglaan na rin ito ng libreng sakay para sa ilang mga pasahero.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , ,