DOTR magpapatupad ng nationwide speed limit

by Erika Endraca | July 26, 2019 (Friday) | 12346

MANILA, Philippines – Lilimitahan na ng pamahalaan ang bilis ng takbo ng mga sasakyan sa buong bansa upang mabawasan ang mga aksidente sa kalsada.

Nilagdaan ng Department of Transportation (DOTR), Land Transportation Office (LTO)  at Imagine Law PH ang memorandum circular na nagtatalaga ng speed limit sa lahat ng kalye sa Pilipinas.

Batay sa joint memorandum circular, aatasan ng DOTR at LTO ang mga Local Government Unit LGU sa buong bansa na ipatupad ang nationwide speed limit.

Sa national primary road, 80 Kilometer Per Hour (KPH) ang maximum speed sa patag na kalye, 60 KPH naman sa mga hindi sementado at 50 KPH sa mabubundok na kalsada.

Sa secondary primary road, 70 KPH sa sementado at patag na kalsada, 60 KPH sa mga hindi sementado at 40 KPH sa mountainous topography.

Sa mga lungsod, 30 KPH lamang sa municipal streets, 20 KPH sa barangay road at 20 KPH rin sa mga matataong kalye.

Sa probinsya, 30 – 40 KPH lamang sa mga open road at through streets habang 20 kph lamang sa mga crowded streets.

Subalit problema ngayon kung paano ito maipatutupad dahil ipinapaubaya ang implementasyon nito sa mga LGU.

“The unfortunate thing is under the constitution our local government enjoy independence from the national government with respect to ordinances so hindi po natin sila mapipilit to enact an ordinance ine-encourage namin ang citizens na sila ang manawagan sa lgu na magpatupad ng speed limit ordinance.” ani Image Law PH Attorney Sophia Monica San Luis.

Problema rin ng lto ang man power kung kaya’t humihingi ito ng tulong sa mga lokal na pamahalaan.

Samantala bukod sa enforcement, isa pang problema ay ang pondo para maipatupad ng maayos ang nationwide speed limit.

Nanawagan naman si LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante sa mga nagnanais makatulong sa implementasyon nito.

“If there are other organizations, sectors, that could help us get this  equipment we will welcome them very much.” ani LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante.

Lahat ng mahuhuli na lalabag sa nationwide speed limit ay magmumulta ng P1,700.

Inaasahan naman ng DOTR na sa loob ng 2 o 3 taon ay matuturuan nila ang lahat ng lokal na pamahalaan sa maayos na pagpapatupad ng speed limit sa kanilang lugar.

(Mon Jocson | Untv News)

Tags: , , ,