METRO MANILA – Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols sa lahat ng pampublikong transportasyon kasabay ng biglaang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kaugnay ito ng muling pagtataas sa Alert Level 3 status ng Metro Manila mula sa kasalukuyang Alert Level 3 status nito epektibo mula January 3 hanggang January 15, 2022.
Sa ilalim ng Alert Level 3 status, papayagan pa rin ang paglabas-pasok sa iba’t-ibang mga lugar ngunit maaaring maging limitado base sa mga restriksyong ipapatupad ng nakakasakop na lokal na pamahalaan.
Inatasan ni Secretary Tugade ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) maging ang mga enforcer at marshal ng train railways na siguruhing naipapatupad ang health protocols sa mga pampublikong sasakyan maging sa loob at labas ng mga terminal.
“Huwag tayong maging kampante. Ang virus ay nandito pa rin, kaya ugaliin pa rin natin na magsuot ng face masks lalo na sa loob ng pampublikong transportasyon. Huwag makipagusap o kumain habang nasa loob ng sasakyan. Sundin din natin ang tamang physical distancing,” ani DOTr Secretary Arthur Tugade.
Nagpaalala din ang kalihim sa lahat ng public transport operators na responsibilidad nila ang palaging pag-disinfect ng kanilang mga sasakyan upang maprotektahan ang buhay, kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga pasahero.
Nakipag-ugnayan naman ang kalihim sa sektor ng pang-himpapawid na transportasyon na muling isaalang-alang ang pagbabawas ng bilang ng passenger arrivals sa main gateways ng mga paliparan at masusing ipatupad ang health protocols maging sa loob ng mga cabin bilang proteksyon sa ating mga kababayan.
Nanawagan din sa publiko ang kalihim ng pakikiisa at maging mas mapag-matyag sa mga lalabag sa ipapatupad na health protocols.
“We need everyone’s cooperation. We cannot do this alone. Sa mga pasahero, drayber, at operator, magtulungan po tayong lahat. Maging responsable tayo at maging disiplinado,” ani DOTr Secretary Arthur Tugade.
(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)