Nagkaharap sa Programang Get it Straight with Daniel Razon sina Department of Transportation Undersecretary for Road Transport Thomas Orbos at ang presidente ng Stop and Go Coalition na si Jun Magno, hinggil sa usapin ng jeepney modernization program.
Muling iginiit ni Magno na dapat ay i-rehabilitate na lamang ang mga lumang jeep kung saan mas maliit ang magagastos kaysa bumili ng mga modernong jeep na aabot sa milyong piso ang halaga.
Dito na hinamon ni Orbos ang pinuno ng Stop and Go na bumuo ng de kalidad na modernong jeep sa murang halaga.
Pero giit ng DOTr, dapat pasado sa Safety Standards and Specification na nakapaloob sa PUV modernization program ang bubuoing jeep ng grupo ni Magno.
Kabilang sa requirements ang paglalagay ng GPS, dash cam, CCTVs, mas malalawak at kumportableng mga upuan, automated fare collection system at euro-4 ang mga makina. Kinakailangan rin na nasa tagiliran na ng driver ang pasukan ng mga pasahero at dapat ay PWD friendly ang disenyo ng mga ito.
Una na ring iginiit ng ilang transport group na dapat ay irehabilitate na lamang ang mga lumang jeep sa halip na bumili ng mga bago.
Ito ay sa kabila ng 80,000 pesos na subsidiya ng gobyerno sa mga tsuper o operator at financing program na may 6 percent interest rate na maari nilang bayaran sa loob ng pitong taon.
Binigyan ng 30 hanggang 45 araw na palugit ng DOTr si Magno na mahigpit namang susubaybayan ng programang Get it Straight with Daniel Razon.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: DOTr, GIS, modernization program