METRO MANILA – Hindi maikakaila na malayo na ang narating ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kumpara noong dati.
Ito ang paliwanag ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa mga ulat na nakakuha ng pinakamababang marka ang naia bilang business class airport.
Batay sa isa umanong pag-aaral, nabigyan ng rating ang NAIA na world’s worst business class aiport dahil sa bilang ng mga destinasyon, on-time performance at rating mula sa Skytrax.
Ngunit pinabulaanan ng DOTr ang mga basehan ng pag-aaral ng bounce luggage storage.
Ayon sa DOTr, ang number of destinations ay tinutukoy at idinidikta sa pamamagitan ng bilateral at negosasyon sa air service.
Destination airport din anila ang NAIA at hindi hub airport kaya hindi ganoon karami ang business class lounges at onward destinations.
Airline companies rin ang pangunahing nakakaalam kung kailangang magtayo ng business class lounges para sa kanilang mga pasahero.
Dagdag pa ng DOTr, hindi kapani-paniwala na bagsak ang NAIA sa on-time performance na nabigyan ng 83% na score noong 2019 ng Air Carriers Association of the Philippines (ACAP).
Nabigyan rin anila ng Skytrax na 3-star rating na ibig sabihin ay fair o average ang staff service standards o ang production facilities ng NAIA.
Samantala, sa isang panayam ay sinabi ni outgoing Finance Secretary Carlos Dominguez III na maaaring ikonsidera ng susunod na administrasyon na ibenta ang property kung saan nakatayo ang NAIA.
Ito ay upang makakalap ang pamahalaan ng nasa P2-T na pondo mula sa mahigit 600 hectares na property ng NAIA.
Magagamit ito na pambayad sa utang ng bansa kabilang na ang mga ginastos sa COVID-19 pandemic response ng pamahalaan.
Magbibigay daan naman ito sa operasyon ng mas malalaking paliparan sa Clark at Bulacan.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)