DOTr, bumuo ng technical working group na bubusisi sa “motorcycle taxis”

by Jeck Deocampo | December 24, 2018 (Monday) | 18852

METRO MANILA, Philippines – Ipinag-utos na ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagbuo ng technical working group na siyang bubusisi sa mga isyung may kinalaman sa operasyon ng motorsiklo bilang public transportation.

 

Kasama sa binuong technical working ang DOTR, LTFRB, MMDA at PNP Highway Patrol Group. Bukod dito, magiging bahagi rin ng TWG ang ilang kinatawan mula sa Senado, Kongreso, commuters and road safety advocate, gayun din ang motorcycle manufacturers, motorcycle organizations at ilang law schools.

 

Ayon kay Secretary Tugade, magsasagawa ng deliberasyon ang TWG kaugnay sa usapin ng pagkonsidera sa paggamit ng motorsiklo bilang public transportation.  Ilan sa mga partikular na isyung tatalakayin ang usapin ng kaligtasan ng mga pasahero sa paggamit ng ganitong uri ng transportasyon. Gayundin ang magiging pananagutan ng driver at operator sakaling maaksidente ang pasahero.

 

Sa pahayag na inilabas ni Secretary Tugade, sinabi nito na nauunawaan nila ang pangangailangan ng mga commuter sa mabilis at kumbinyenteng uri ng transportasyon. Ngunit nilinaw nito na hindi nila maaring balewalain ang umiiral na batas, pero bukas umano ang ahensya na pag-aralan ang sistemang ito.

 

Una nang iginiit ng DOTR at LTFRB ang mahigipit na pagbabawal ng paggamit ng motorsiklo bilang pampublikong sasakyan alinsunod sa Republic Act 4136.

 

Sa ngayon ay nakapagsumite na ng kanilang comment ang Angkas sa Korte Suprema at hinihintay na lamang ang pinal na desisyon hinggil sa kanilang operasyon.

 

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , , ,