DOTC Sec. Abaya, MIAA GM Jose Angel Honrado, ipinasususpinde sa Ombusman kaugnay ng TANIM BALA scam

by Radyo La Verdad | November 3, 2015 (Tuesday) | 1449

photo cayetano tanim bala issue

Naghain ng reklamo sa office of the Ombudsman si senate majority leader Alan Peter Cayetano laban sa mga airport officials at pinuno ng ilang ahensya ng gobyerno dahil sa tanim bala modus sa NAIA.

Kasama ni Cayetano ang kinatawan ng Volunteers Against Crime and Corruption at Network of Independent Travel Agents na siyang nanawagan din na managot ang mga opisyal dahil marami nang pasahero ang nabibiktima ng modus na ito.

Ayon kina Cayetano dapat masampahan ng kasong administratibo sina DOTC Sec. Emilio Abaya, Manila International Airport Authority Gen. Manager Jose Angel Honarado, Office of Transportation Security Administrator Roland Recomono at PNP Aviation Security Group Dir. Pablo Francisco Balagtas.

Base aniya sa executive order 226, nagkaroon ng neglect of duty ang mga nasabing opisyal dahil sa usapin ng command responsibility sa isyu na ito.

Paliwanag ni Sen. Cayetano, bagaman ilang beses na aniya nangyari ang insidente ng Tanim Bala sa airport, wala aniyang corrective prevention measures na isinagawa ang mga opisyal.

Dahil dito, hinihiling din ni Cayetano na patawan ng preventive suspension ang mga nasabing opisyal, at makalaunan ay tanggalin na rin sa pwesto sa oras na mapatunayan sa imbestigasyon ng Ombudsman ang kanilang pananagutan sa modus.

Nitong mga nakaraang araw ay kaliwat kanan ang napapaulat na nabibiktima ng modus kung saan ilang mga pasahero na paalis at parating ng airport ang nahuhulihan ng may mga bala sa kanilang mga bagahe.

Itinatanggi naman ng mga pasahero na bitbit nila ang bala at biktima lang sila ng umanoy paninikil ng pera.

Sa ngayon ay hindi pa rin natutukoy ang mga nasa likod ng tanim bala modus.

(Joyce Balancio/UNTV News Correspondent)

Tags: , ,