DOTC nagsagawa ng inspeksyon sa PNR

by Radyo La Verdad | June 15, 2015 (Monday) | 4807

PNR
Dalawang linggo pa ang tantya ng mga opiyal ng Philippine National Railways bago makabalik sa operasyon ang mga tren ng PNR.

Patuloy pa rin ang pagkukumpuni sa mga riles upang masiguro na ligtas na itong daanan ng mga tren.

Naglagay ng mga Anti- theft na turnilyo upang maiwasan na mawala ang mga ito.

Ayon sa imbestigasyon, isa sa mga dahilan kung bakit na diskaril ang tren noong nakaraang Abril ay dahil sa mga nawawalang turnilyo sa mga riles.

Napag-alaman na ninanakaw ang mga ito at ibinibenta sa kalapit na junk shop.

Kung kaya’t gustong matiyak ng Department of Transportation and Communication na maayos at ligtas na ang mga riles bago ito gamitin.

Nag-inspeksyon si DOTC Sec. Jun Abaya at PNR General Manager Joseph Alan Dilay sa isinagawang pagkukumpuni sa mga riles sa PNR Paco Station.

Nilinaw ni Abaya na hindi niya papayagang ibalik ang operasyon hangga’t hindi sila nakatatanggap ng safety certification mula sa kanilang consultant na TUV Rheinland.

Nasuri ng TUV Rheinland ang kondisyon ng PNR at nag rekomenda ito na tutukan ng PNR ang pagpapatibay sa mga riles.

Ayon kay Abaya, natapos na nila ang walumpung porsyento sa mga rekomendasyon ng TUV Rheinland at sa malamang ay abutin pa ng dalawang linggo bago matapos ang dalawampung porsyento.

Tags: , , ,