DOTC, magpapautang sa mga jeepney driver upang makabili ng bagong sasakyan bago ipatupad ang mandatory phase out sa 2018

by Radyo La Verdad | January 7, 2016 (Thursday) | 5473

JEEPNEY-DRIVERS
Pinulong ngayong myerkules ng Department of Transportation and Communication ang ilang jeepney drivers upang ipaliwanag ang tungkol sa napipintong phase out sa mga lumang jeepney.

Ayon sa DOTC, walang phase out na mangyayari ngayong taon kundi voluntary ang pagpapalit ng sasakyan bilang paghahanda sa mandatory phase out sa 2018.

Nilinaw rin ng DOTC na hindi phase out ang ipatutupad kundi phase-in ng mga bagong sasakyan

Sa kasalukuyan ay binabalangkas pa ang mga regulasyon tungkol sa modernization program ng kagawaran kaya walang dapat na ipag-alala ang mga jeepney driver

Nakahanda ang DOTC na magbigay ng financial assistance sa mga jeepney driver upang makabili ang mga ito ng bagong jeep

Wala pa ring mga nabubuong kondisyon kung paano at gaano kalaking halaga ang maaaring i-loan ng mga jeepney driver

Ibinida pa ng dotc na mismong mga transport group pa ang nagtatanong sa kanila noon na kung bakit mga bus lamang ang may age limit

Ayon sa DOTC, mga transport group mismo ang humiling na magtakda rin sila ng age limit para sa mga pampasaherong jeep

Ngunit ang grupong PISTON na dalawang magkasunod na linggo ng nagsasagawa ng kilos protesta ay naniniwala na hindi totoong sa 2018 pa ipatutupad ang phase out.

Ito ay sa kabila na naglabas na ng memorandum circular ang DOTC na walang mangyayaring phase out sa loob ng dalawang taon

Uunahing ipatupad ng DOTC ang phase out sa Metro Manila bago isunod ang ilang lugar sa Luzon at sa Visayas at Mindanao

Siyam na milyon ang sumasakay ng jeep araw-araw, kung matutuloy ang pagaalis sa mga unit na 15 taon pataas sa mga susunod na taon, maaaring malaking problema ito sa mga commuter lalo na at hindi pa maayos ang mass transport system sa bansa.

(Mon Jocson/UNTV News)

Tags: , ,