DOT, binalaan ang mga non-compliant hotels at resorts sa Boracay na huwag tumanggap ng online bookings

by Radyo La Verdad | October 17, 2018 (Wednesday) | 2169

Hindi dapat tumatanggap ng booking reservations ang mga hotel at resort sa Boracay na hindi pa nakapasa sa itinakdang environmental standards upang muling makapag-operate.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, dapat itigil muna ng mga ito ang online promotions hanggang hindi pa nakukumpleto ang hinihinging requirements ng DENR, DILG at DOT.

Babala ng kalihim, posibleng maharap sa kaso ang mga ito. Dagdag pa ni DILG Secretary Año, dapat umanong 100 percent compliant ang isang establisyemento bago sila papayagang mag-operate.

Ito ay upang maiwasan na magkaroon ng kaguluhan at mga hindi kanais-nais na karanasan ang mga turistang nagpaplanong magtungo sa Boracay.

Ang ibang mga hotel, hindi pa rin makakuha ng panibagong Environmental Compliance Certificate (ECC) dahil maliban sa walang proper waste disposal, hindi rin nasusunod and easement rule ng maraming establisyemento sa white beach at maging sa gilid ng kalsada.

Samantala, isang hotel naman sa Boracay ang nakitaan ng pekeng DENR permit.

Ayon pa kay Cimatu, napag-alaman nila na ang salarin ay isang tauhan ng may-ari ng hotel. Sasampahan naman ng kaukulang kaso ng DENR ang pumeke sa nasabing dokumento.

Requirement ng Boracay inter-agency task force sa mga establisyemento sa Boracay na maging compliant sa DENR, DILG at sa DOT upang makapag-operate sa Boracay.

Sinabi naman ni Puyat na patuloy pa rin naman umano silang tatanggap ng mga applications for compliance kahit na makapag-soft opening na sa ika-26 ng Oktubre.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,