Handa na ang Department of Science and Technology (DOST) sa isasagawang clinical trial kaugnay sa pag gamit ng virgin coconut oil bilang panlaban sa coronavirus disease.
Sa panayam ngayong araw (April 3, 2020) sa programang Get It Straight with Daniel Razon, sinabi ni DOST Secretary Fortunato de la Peña na uumpisahan na nila ang pag-aaral dito upang matukoy kung posibleng magamit na gamot ang virgin coconut oil laban sa COVID-19.
Pero uunahin muna ng DOST na pag-aralan kung magiging epektibo itong supplement laban sa COVID-19, at kapag naging matagumpay saka nila itutuloy ang pag-aaral kung pwede itong gawing lunas sa coronavirus disease.
“Sabi nga natin hindi pa naman natin ine-eksperimentuhan bilang gamot kundi para muna maging isang supplement kung talagang makikita natin na nakakabuti para mai-apply ng approval sa FDA kahit health supplement man lang,” ani Sec. Fortunato dela pena
Department of Science and Technology.
Ayon sa DOST, isasagawa ang clinical trial sa pamamagitan ng hospital-based at community-based approach.
Gagawin ang hospital-based study sa Philippine General Hospital kung saan gagamitin bilang supplement ang VCO sa mga pasyente.
Habang ang community-based naman, ihahalo ang VCO sa pagkain ng mga pasyenteng Persons Under Investigation at Persons Under Monitoring na naka-isolate sa mga quarantine facility sa CALABARZON region.
Katuwang ng DOST dito ang Food and Nutrition Institute, upang mapag-aralang mabuti ang epekto ng VCO sa kalusugan ng mga pasyente.
“Kaya naman malakas ang loob nating mag clinical studies dito ang VCO naman kasi walang harm effects at walang toxicity so kailangan lang mag agree yung ating mga pasyente at ito naman ay dadaan sa ethical review board bago ito gawin,” dagdag ni Sec. Fortunato dela pena
Department of Science and Technology.
Sa inisyal na pagtaya ng DOST, tatagal ang pagaaral sa loob ng isang buwan.
Bukod sa clinical trial sa VCO, nakagawa na rin ang DOST ng mga rx box na kanilang ipinamahagi rin sa PGH.
Isa itong aparato na kayang imonitor ang vital signs na isang pasyente na malaking tulong anila para sa mga health workers upang masuri ang mga sintomas ng isang pasyente.
Sa ngayon abala rin ang DOST sa paggawa ng sarili bersyon ng ventilator na magagamit ng mga pasyenteng may malalang kaso ng covid-19.
(Joan Nano)
Tags: Coronavirus, covid19, Virgin coconut oil