METRO MANILA – Pinag-iingat ngayon ang publiko matapos madiskubre ng Department of Science and Technology (DOST )-Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na 80% ng pure honey-made products na itinitinda sa merkado ay peke.
Ayon sa live interview kay Director Carlo Arcilla ng PNRI sa Serbisyong Bayanihan ngayong Lunes, karamihan sa mga pekeng honey-made products ay mabibili online at isa sa mga palatandaan ng pekeng prudokto ay ang pagkakaroon ng mababang presyo.
Matapos namang magpulong ng Food and Drug Administration at ng DOST-PNRI, isasama na sa standards ng FDA-approved products ang pagsusuri sa isotopic signatures ng mga ito.
Dagdag pa ni Director Arcilla, hindi maaaring mapeke ang isotopic signature-testing ng mga produktong dadaan sa FDA-certification di tulad sa mga mababasang anecdotal records tungkol sa mga paraan kung papaano malalamang peke ang isang honey-made product.
Karamihan din umano ng mga FDA-certified honey-made products ay galing sa asosasyon ng mga honey-growers at honey-bee keepers.
Marapat tandaan ng taong-bayan na anumang sobra ay nakakasama sa ating kalusugan at hindi dapat ipagpalit ang mabubuting benepisyo makukuha natin sa honey dahil lamang sa mababang presyo ng mga pekeng produkto.
(April Jan Bustarga | La Verdad Correspondent)