Inihain sa Kamara ni Ako Bicol Party List Rep. Rodel Batocabe ang panukala na nagtatakda sa mga state universities and colleges na maglaan ng mga dormitoryo at housing sites para sa kanilang mga mahihirap na estudyante at empleyado.
Batay sa House Bill 5459 o ang SUC Land Use Development and Infrastructure Plan Act of 2015, inoobliga nito ang mga SUC na maglaan ng isang programa para sa konstruksyon ng dormitoryo para sa mga mag-aaral at housing sites naman para sa mga empleyado.
Layon nito na magamit ang mga lupa at mga ari-arian sa paligid ng compound ng SUCs upang maibsan ang hirap ng mga mag-aaral at empleyado.
Samantala, ang mga kalihim naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Commission on Higher Education (CHED) ang magtatakda ng Implementing Rules and Regulations sa sandaling maging ganap na itong batas.