Donor fatigue, pinangangambahan ng OCD 5

by Radyo La Verdad | February 22, 2018 (Thursday) | 5814

Sa pinakahuling tala ng Office of Civil Defense (OCD) Region 5, nasa 16,376 families o mahigit sa 62 libong indibidwal ang patuloy na kinukupkop ng lokal na pamahalaan sa may 57 evacuation centers sa Albay. Galing ang mga ito sa 61 barangay sa Albay na apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Kaugnay nito, nanawagan ang OCD 5 sa mga non-government organization (NGO) na huwag magsawang tumulong sa mga residenteng apektado ng ipinakikitang abnormalidad ng Mt. Mayon.

Ayon kay OCD 5 Regional Director Clied Yucot, isa sa kanilang pinangangambahan ay ang tinatawag na donor fatigue o ang pagkaunti ng mga donasyon mula sa mga NGO.

Aniya, posibleng magtagal pa sa evacuation centers ang ilang displaced families dahil hindi pa ibinababa ang alert level ng Mayon. Kaya malaking tulong aniya ang donasyong ibinibigay ng mga NGO.

Pero paglilinaw ni Yucot, sapat pa naman sa ngayon ang suplay ng relief goods na mula sa lokal at national government subalit tatagal lamang umano ito ng isang daang araw.

Sa mga ibig tumulong o magpa-aabot ng donasyon, maaari silang makipag-ugnayan sa operation center ng OCD 5 sa pamamagitan ng telepono bilang 0915747880.

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

Tags: , , ,