Domestic travel restrictions sa mga fully vaccinated na, niluwagan na ng pamahalaan

by Erika Endraca | July 5, 2021 (Monday) | 2971

METRO MANILA – Nagtakda na ng mga panuntunang ipatutupad ang Inter-Agency Task Force kaugnay ng domestic travel ng mga indibidwal na fully vaccinated na kontra COVID-19.

Itinuturing na fully vaccinated ang isang tao, 2 linggo o higit pa pagkatapos nitong matanggap ang second dose ng 2-dose vaccine o first dose ng single-dose ng bakunang kabilang sa emergency use authorization list o compassionate special permit ng food and drug administration at emergency use listing ng World Health Organization (WHO).

Sapat nang i-presenta para sa interzonal travel ang COVID-19 domestic vaccination card na pirmado ng lehitimong vaccinating establishment.

O kaya ang certificate of quarantine completion na nagpapakita ng vaccination status mula sa Bureau of Quarantine at hindi na kinakailangan ang testing requirement ng lokal na pamahalaan bago o pagdating sa destination.

Interzonal movement ang pagbiyahe sa dalawang lugar na magkaiba ang community quarantine classification.

“Tama na po yung certificate of vaccination at hindi na kinakailangang magpakita ng PCR” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Para naman sa intrazonal movement o pagbiyahe ng fully vacinated senior citizens sa 2 lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine at Modified GCQ, kinakailangan lamang magpresenta ng domestic vaccination card o certificate of quarantine completion na may vaccination status.

Kinakailangan namang sumailalim pa rin sa exposure screening pagdating sa local government of destination at sumunod sa public health protocols.

Kung close contacts ng probable at confirmed COVID-19 cases ang isang fully vaccinated individual, kinakailangang sumailalim sa 7-day quarantine period kung mananatiling asymptomatic.

Kung sasailalim naman sa RT-PCR test, isasagawa ito sa ika-5 araw mula sa petsa ng last exposure.

Hindi kinakailangan ang testing at quarantine sa close contacts na na-trace ng higit sa 7th day mula sa last exposure at walang sintomas ng COVID-19.

Kung positibo naman sa RT-PCR test at may sintomas, kinakailangang sundin ang testing at isolation protocols.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,