Simula ngayong araw, (Jan. 17, 2022) hindi na muna tatanggap ang mga pangunahing domestic airline company sa bansa ng mga pasaherong hindi pa bakunado kontra Covid-19. Partikular ito sa mga babyahe papunta o galing sa Metro Manila habang nasa ilalim ng Covid-19 alert level 3 o mas mataas pang alerto ang rehiyon.
Alinsunod ito sa “no vaccination, no ride” policy na ipinag-utos ng Department of Transportation.
Exempted naman dito ang mga unvaccinated citizen na hindi makapagpabakuna dahil sa medical condition at mga babyahe para sa essential goods and services. Ngunit dapat ay may maipakitang kaukulang dokumento ang mga pasahero na nagpapatunay na sila ay exempted sa restriksyon.
Kailangan ding makapagpakita ang mga ito ng negatibong resulta ng RT-PCR test na kinuha sa loob ng apatnapung walong oras bago pumasok sa terminal ng paliparan. Habang ang mga fully vaccinated passengers naman ay kailangan mag-prisinta ng valid government identification at vaccination card na nagpapakita na dalawang linggo o higit pa nang sila ay makakumpleto ng bakuna.
Sa isang pahayag, sinabi naman ng pamunuan ng Philippine Airlines na hindi rin muna sila tatanggap ng mga menor de edad na pasahero na hindi pa rin bakunado maliban na lang kung ito ay dahil sa urgent medical reason.
Tumatanggap ang PAL ng pagre-rebook ng flights mula January 17 hanggang 31, maaari ring ilagay sa travel fund o credit ang katumbas na halaga ng binayarang ticket, o i-refund ng walang anomang penalty sa pasahero.
Magbibigay din ang Cebu Pacific Airline ng cancellation options para sa mga apektadong pashero kasunod ng pagsuporta nito sa naturang polisiya ng pamahalaan.
Suportado rin ng Airasia Philippines ang adhikain ng IATF, DOTr at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng alituntunin kaugnay ng ligtas na operasyon sa mga paliparan.
Pinapayuhan ng mga naturang airline companies ang mga pasahero na ugaliing i-check ang kanilang mga flight at travel requirements ng mga lokal na pamahalaan na kanilang pupuntahan.
Asher Cadapan, Jr. | UNTV News
Tags: Covid-19, DOTr, NO VACCINE NO RIDE, vaccine