Isang bilyong piso ang inilaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para matulungan ang mga manggagawa na naapektuhan ng pagsasailalim sa alert level 3 sa mga lugar na may mataas na Covid-19 cases.
Ayon sa DOLE, tatanggap na sila ng aplikasyon para sa Covid-19 Adjustment Measure Program (CAMP) simula ngayong araw, (Jan. 24, 2022).
Halos dalawandaang libong manggagawa ang maaring makatanggap ng ayuda.
Nilinaw naman ng DOLE na hindi makakasama sa mga beneficiary ang mga empleyado na nasa flexible work arrangement.
“Uunahin po natin sa priority iyong mga manggagawa na naapektuhan ng permanent closure or retrenchment. Kasama rin po sa aayudahan natin or bibigyan ng financial assistance iyong mga manggagawa under temporary closure. Para sa mga interesadong mag-apply, pumunta lamang sa reports.dole.gov.ph”, ani Asec. Dominique Rubia-Tutay, Dept. of Labor and Employment.
Ayon sa DOLE, prayoridad na mabigyan ng ayuda ang mga nawalan ng trabaho sa mga lugar na nasa alert level 3.
“Halimbawa, ang NCR ay naging alert 2 na by february so iyong cut-off po natin sa alert level 3 ay hanggang January 31 lang. Pero kung halimbawa ay na-elevate to alert level 4, continious pa rin po ang assistance ng DOLE under the camp program”, dagdag ni DOLE Asec. Dominique Rubia-Tutay.
Aileen Cerrudo | UNTV News
Tags: Covid-19 Adjustment Measure Program, COVID-19 ALERT LEVEL 3, DOLE