DOLE, pupulungin ang grupo ng mga manggagawa at employers kaugnay sa pagbibigay ng 13th month pay

by Erika Endraca | October 13, 2020 (Tuesday) | 7845

METRO MANILA – Nag-aalok ng pautangang Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Small Business (SB) corporation sa mga negosyong naapektuhan ng COVID-19 pandemic. P10-B  ang nakalaan para dito sa ilalim ng  Bayanihan to recover as one act o Bayanihan 2.

Dito maaaring kunin ng mga kumpanya ang kanilang pambayad para sa 13th month pay sa mga manggagawa.

Pinadali na ng SB Corporation ang proseso sa pangungutang sa kanila at sa internet na lamang ang transaksyon.

 “Ngayon ang nire-require natin as long as meron kang bir  filed financial stament ay maaari nang mag apply” ani SB Corporation, VP for Planning and Advocacy Frank Lloyd Gonzaga.

Iginiit naman ng Malacanang na mandatory sa batas ang pagkakaloob ng 13th month pay sa mga manggagawa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, liban na kung may maamyendahan ang batas, kinakailangang maibigay ito sa itinakdang panahon.

“The law has not been amended, that is a law, that is a mandatory provision of the labor code” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Gayunman, hinahayaan ng palasyo ang Labor Department na pag-aralan ang isyu bunsod ng epekto ng pandemiya sa mga negosyo.

“Yung 13th month pay dapat bayaran ng mga employer on or before December 25. Yan ang batas PD 851. Wala po kaming planong i-postpone o i-delay ang pagbayad niyan.” ani DOLE Sec Silvestre Bello III.

Ayon sa DOLE, nakatakda nilang pulungin ngayong araw ang grupo ng mga manggagawa at employers kaugnay ng usapin.

Una nang sinabi ng ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na maraming mga kumpanya ang mahihirapan magbibigay ng 13th month pay ngayon taon dahil sa epekto sa ekonomiya  ng pandemya.

Hinihiling nila na kung maaari ay ipagpaliban muna ito habang bumabawi pa ang mga kumpanya.

“Doon sa IRR nya merong provision na incase yung kumpanya ay may problema, pwedeng magbigay ng exemption. Paguusapan anu ba yung kondisyones na yun para sa exemption “ ani ECOP President Sergio Luis-Ortiz.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,