DOLE, muling iginiit na dapat gawing regular ang mahigit 7,000 empleyado ng PLDT

by Radyo La Verdad | July 12, 2018 (Thursday) | 6821

Inilabas na kahapon ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pirmadong clarificatory order para sa para sa philippine long distance company (PLDT).

Ayon sa kalihim, mali ang ginawang pagtanggal ng PLDT sa kanilang mga mahigit pitong libong kontraktwal na empleyado mula sa 38 service providers at muling pag-aplayin ang mga ito sa kumpanya.

Ito ang naging hakbang ng PLDT nang ilabas ng DOLE NCR ang kautusan o ang writ of execution noong Mayo 30 kaugnay ng regularisasyon ng mga manggagawa. Una nang kinuwestyon ng PLDT sa Court of Appeals ang utos ng DOLE.

Nakahanda rin ang DOLE sakaling kwestyunin ng kumpanya sa korte ang kanilang clarificatory order. Gaya ng nauna na ring pahayag ng DOLE, final at executory ang department order kaugnay ng regularisasyon.

Samantala, kahapon ay hinarap ni Sec. Bello at Usec. Joel Maglunsod ang mga lider ng mga grupo ng mga manggagawang nawalan ng trabaho sa PLDT.

Kabilang ang mga ito sa grupong PLDT Organization of Workers and Employees for Rights (POWER), Defend Job Philippines at Kilos na Manggagawa.

Siniguro ng DOLE na matatanggap na nila ang kanilang mga backwages at mga benepisyong hindi ibinigay sa kanila na aabot sa 52 milyong piso.

Kailangan lamang nilang magprisinta ng government issued ID sa DOLE upang matanggap ang kanilang bahagi sa cash bond na ibinayad ng PLDT.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,