METRO MANILA – Nasa 18 reklamo na ang tinatanggap ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) tungkol sa umano’y pag-oobliga ng mga employer sa kanilang mga empleyado na magpabakuna.
Ayon sa tagapagsalita ng grupo, karamihan sa mga ito ay mula sa mga call center, restaurants at hotels.
Lumutang ang paglalabas ng ilang mga employer ng no vaccination, no work policy matapos ang mababang survey turnout kung saan mahigit sa kalahati sa kanilang mga empleyado ay nag-aalinlangan at hindi pa handa na magpabakuna.
“Ang sabi kasi sa kanila ng kanilang mga employer ay hindi sila papapasukin sa kanilang mga trabaho hanggan hindi sila nagpapabakuna. Yung iba naman ay sinasabi na ipo-floating at ipo-furlough sila kapagka wala pang bakuna.” ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.
Ayon naman sa Employers’ Confederation of the Philippine (ECOP), wala silang kinalaman dito at wala pa naman silang hawak na bakuna para obligahin ang kanilang mga empleyado.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ilegal ang gagawin ng isang employer kung sususpindehin ito o aalisin sa trabaho dahil lang sa hindi ito nagpabakuna.
Bunsod nito ay maglalabas ang kagawaran ng guidelines para magbigay linaw sa vaccination program na gagawin ng mga kumpanya.
“Hindi pwedeng gawing mandatory yan. Nasa empleyado yan kung gusto niyang magpabakuna o hindi. Nasa kanya yan. Hindi pwedeng gawing mandatory at pinagaralan din namin na yung refusal to ba vaccinated is not a ground for termination “ ani DOLE Secretary Silvestre Bello III.
“Si Pangulong Duterte has always said na hindi natin ipipilit ito yung vaccine sa ating mga kababayan so walang pilitan yan although syempre tayo po ay laging nanawagan sa ating mga kababayan kita naman po natin eh tumataas naman kumpiyansa ng mga kababayan natin habang nagro-rollout ang vaccines” ani Cabinet Sec. Karlo Nograles.
Sa kabila nito ay hinihikayat naman ng ALU-TUCP ang mga mangagawa na magpabakuna na para sa mas mabilis na pagbangon ng ekonomiya.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: DOLE, vaccination