DOLE, magbibigay ng P5,000 cash assistance para sa mga manggagawang naapektuhan ng Alert Level 3

by Radyo La Verdad | January 21, 2022 (Friday) | 11160

METRO MANILA – Sisimulan na sa susunod na linggo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pamamahagi ng one-time P5,000 cash assistance sa manggagawa sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP).

Nasa 200,000 workers ang inaasahang makakatanggap ng ayuda.

“Uunahin po natin sa priority iyong mga manggagawa na naapektuhan ng permanent closure o retrenchment. Kasama rin po sa aayudahan natin o bibigyan ng financial assistance iyong mga manggagawa under temporary closure.” ani DOLE Assistant Secretary, Dominique Rubia-Tutay.

Para matanggap ang tulong, pumunta nalang sa reports.dole.gov.ph at i-submit ang kinakailangang dokumento.

Kung ang kumpanya ay nasa online system na ng DOLE, kailangan lang i-submit ng isang worker ang kaniyang payroll, employment contract, o kahit anong proof of payment para maberipika na kasama sila sa listahan ng kumpanya.

Pwede ring indibidwal na mag-apply ang isang manggagawa.

Kinakailangan lang ipasa ang duly notarized proof of unemployment o notice of termination at photo na hawak-hawak ang government ID.

Kapag naisumite na sa website ang mga requirement, ie-evaluate ito ng DOLE sa loob ng 3 araw para malaman kung aaprubahan o hindi.

Maaring i-deny ng DOLE ang isang application kung hindi pasok sa guidelines ang isang worker o peke ang ipinasang dokumento nito.

Ayon sa DOLE prayoridad na maibigay ng ayuda ang mga nawalan ng trabaho sa mga lugar na nasa alert level 3.

Bukod sa CAMP, plano rin ng Employees’ Compensation Commission na taasan ang sickness benefit at cash assistance para sa mga mangagawa na nagkasakit ng COVID-19.

Mula sa P10,000 na cash assistance, pinag-aaralan ng ahensya kung kakayanin itong itaas sa P30,000 na benepisyo.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: ,