DOJ, wala pang utos na itigil ng PAO ang otopsiya sa mga hinihinalang biktima ng Dengvaxia

by Radyo La Verdad | February 6, 2018 (Tuesday) | 2868

Magpapatuloy sa ngayon ang ginagawang otopsiya ng Public Attorneys Office sa mga bata na hinihinalang namatay dahil sa Dengvaxia.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, wala pa siyang utos sa PAO na itigil na ang imbestigasyon nito.

Nais din ng kalihim na magbigay ng written position sa DOJ ang grupo ni dating Health Sec. Esperanza Cabral bilang paliwanag kung bakit dapat itigil ang pagsusuri ng PAO.

Ikinatuwa naman ito ni Cabral at sinabing pag-uusapan muna ito ng kanilang grupo. Noong Linggo lamang, nanawagan si Cabral at ang grupo ng mahigit 300 mga doktor na itigil na ng PAO ang ginagawa nitong otopsiya sa mga bangkay.

Napatunayan na aniya na hindi Dengvaxia ang ikinamatay ng labing-apat na batang sinuri ng PAO.

Hindi rin kumbinsido sa ginawang pagsusuri ng PAO ang isa sa mga health experts na kasama sa nanawagang itigil na ang otopsiya sa mga hinihinalang biktima ng Dengvaxia.

Nanindigan pa ang dating Health Secretary na ligtas ang Dengvaxia at walang dapat ikabahala ang publiko sa pagpapaturok nito.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,