DOJ, suportado ang panukalang pagkakaroon ng 3 hiwalay na kulungan para sa heinous crime convicts

by Radyo La Verdad | September 24, 2019 (Tuesday) | 2919

Suportado ng Department of Justice ang panukala ng ilang Senador na magkaroon ng tatlong hiwalay na kulungan para sa heinous crime convicts.

Bukod sa Luzon, maglalagay na rin ng prison facility sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, susuportahan nila ang anumang panukala na naglalayong paluwagin at gawing moderno ang mga kulungan sa bansa. Ngunit nananatiling kwestiyon kung ito ay magiging prayoridad ng Kongreso lalo na’t may mas mahahalagang sektor na dapat mapagtuunan ng pansin  tulad ng edukasyon.

Posibleng ang maging sagot aniya dito ay ang pagbebenta ng ilang bahagi ng lupa ng new bilibid prison na maaring pagkunan ng pondo para sa pagtatayo ng dagdag na prison facilities. Ngunit ito aniya ay nangangailangan pa ng masusing pagaaral.

Lumutang ang panukala na pagdadagdag ng kulungan para sa heinous crime convicts dahil na rin sa korapsyon na nangyayari sa Bureau of Corrections partikular na sa umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,