DOJ Sec. Vilatiano Aguirre, humarap sa impeachment committee

by Radyo La Verdad | November 29, 2017 (Wednesday) | 2731

Muling ipinagpatuloy kahapon ng House Committee on Justice kahapon ang pagdinig sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Pangunahing tinalakay sa pagdinig ang alegasyon ng complainant na si Atty. Larry Gadon na umano’y pag-antala ni Chief Justice Sereno sa pagpapalabas ng resolusyon ng Supreme Court hinggil sa kaso ng mga naarestong miyembro ng teroristang grupong Maute.

Kaugnay nito ay humarap sa impeachment committee si Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre II bilang resource person.

Ayon kay Sec. Aguirre, limang beses siyang sumulat kay CJ Sereno upang hilinging gawin sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang pagdinig sa kasong rebelyon at iba pang criminal cases laban sa Maute Group, ito ay dahil walang sapat na detention facilities ang Camp Evangelista sa Cagayan de Oro para matiyak na hindi makatatakas ang mga Maute member.

At upang matiyak ang seguridad ng mga prosecutor at hukom na hahawak ng kaso ng mga ito. Pinabago pa umano ni Sereno ang kaniyang mga naunang sulat.

Unang sumulat ang kalihim noong May 29, 2017 at nadesisyinan ito noon nang July 2017 o makalipas ng mahigit limampung araw.

Subalit sa verified answer ni CJ Sereno na sinumite sa impeachment committee sinabi nitong nadesisyunan nila ang unang sulat ni Sec. Aguirre sa loob lang ng walong araw.

Isa rin sa mga kinikunsidera ng Korte Suprema kung ililipat sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang mga teroristang grupo ay ang posibilidad na makaapekto ito sa ekonomiya at sa seguridad ng publiko.

Lalo’t ilang kilometro lamang ang layo ng kulungan sa mga residente at economic business center sa Metro Manila.

Samantala, nagdesisyon na ang Kamara na hindi na kailangan pang pwersahang padaluhin sa pagdinig si CJ Sereno.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,