DOJ Sec. Remulla, hindi manghihimasok sa kaso ng nahuling anak

by Radyo La Verdad | October 16, 2022 (Sunday) | 627

METRO MANILA – Hindi manghihimasok sa kaso ng 38-taong gulang na anak si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ayon sa kaniyang pahayag nitong Huwebes (October 13).

Matatandaang nasabat ang 900 gramo ng hinihinalang marijuana na may halagang aabot sa mahigit P1-M sa anak ng kalihim na si Juanito Jose Diaz Remulla III nitong Martes (October 11) sa Barangay Talon, Las Piñas City sa isinagawang buy-bust operation.

Ayon kay Secretary Remulla, bagaman siya ay isang ama, mayroon din siyang sinumpaang tungkulin sa bayan at seryosong gaganapin ito.

Hindi umano ito mangingialam sa kaso at hahayaan ang sariling anak na harapin ang kaniyang kahihinatnan.

Pinuri naman ng kalihim ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang walang takot na pagganap ng tungkulin at nilinaw na wala siyang sama ng loob sa ahensya.

(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)