Tuloy ang trabaho para kay Sec. Leila de Lima sa kabila ng espekulasyon na magbibitiw siya sa pwesto kapalit ng pag urong ng kilos protesta ng mga myembro ng Iglesia ni Cristo kahapon.
Gaya ng kinagawian, maagang pumasok si Secretary De lima sa kanyang opisina kanina.
Ayon sa kalihim, wala siyang nakikitang dahilan sa ngayon upang magbitiw sa pwesto.
Sinabi pa ng kalihim na magbibitiw lamang siya kapag buo na ang kanyang pasya na tumakbo sa susunod na halalan.
Kabilang si de Lima sa napipisil ng partido Liberal na maging kandidato sa pagka Senador.
Sinabi na ng kalihim nitong nakaraang huwebes na magbibtiw siya sa pwesto kapag naghain na siya ng kanyang certificate of candidacy sa darating na Oktubre.
Samantala, itinanggi naman ni Secretary de Lima na nagkaroon ng kasunduan ang Palasyo at pamunuan ng Iglesia ni Cristo.
Una nang sinabi ng Palasyo walang nangyaring kasunduan kaugnay ng pagtigil ng kilos protesta ng INC. ( Roderic Mendoza / UNTV News)