Nakahanda nang magsumite ng rekomendasyon ang DOJ Special Panel na nag-iimbestiga sa nasunog na pabrika ng Kentex sa Valenzuela City.
Magpupulong bukas ang panel na naatasang mag-review sa mga kasong maaaring isampa sa mga responsable sa nangyaring sunog sa pabrika ng tsinelas.
Ayon sa isa sa mga myembro ng panel na tumangging magpabangit ng pangalan, may nakahanda nang rekomendasyon o kaso na isasampa laban sa mga responsable sa insidente kabilang na rito ang reckless imprudence resulting to multiple homicide.
Tumanggi naman itong magsalita kung anong kaso ang maaring isampa laban sa ilang opisyal ng gobyerno kaugnay ng insidente.
Binuo ni Secretary Leila de Lima ang panel upang rebyuhin ang mga opisyal na ulat ng gobyerno tungkol sa nangyaring sunog, pangunahin na ang report ng Inter-Agency Anti-Arson Task Force, upang matukoy kung sinu-sino ang dapat panagutin sa trahedya.