DOJ, iniimbestigahan ang maling pagdeklara ng ikinamatay ng ilang drug war victims

by Radyo La Verdad | December 8, 2022 (Thursday) | 13841

Inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na iniimbestigahan nila ngayon sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation ang siyam na kaso ng maling pagdeklara sa sanhi ng pagkamatay ng ilang biktima ng war on drugs ng pamahalaan.

Ayon kay Remulla, kasong falsification of document ang posibleng kahararapin ng mga sangkot.

“Siyempre, falsification ‘yan. We have cases that we are investigating now. We have nine cases that we are investigating on wrongful death. Inconsistent death certificates with the actual case of death after exhumation,” pahayag ni Sec. Crispin Remulla, Department of Justice.

Binanggit ng kalihim ang isang namatay na ang nilagay sa death certificate ay natural causes ang ikinamatay nito, pero, lumabas sa pagsusuri o autopsy ay may inconsistency.

Tiniyak naman ni remulla na mananagot ang sinomang sangkot, at hindi dapat hayaan ang mga ganitong gawain.

“Pina-follow up po namin ngayon yan. Pinag-aaralan po ng NBI ‘yong mga nakuha naming mga papeles saka findings, nine cases po ‘yan,” dagdag ni Remulla.

Kamakailan ay naglabas ng resolusyon ang Court of Appeals na dapat itama ang nakalagay sa death certificate ng isang bata na namatay sa ligaw na bala Caloocan City. Ang una kasing nakalagay ay namatay umano nito bronchopneumonia.

Dante Amento | UNTV News     

Tags: , ,