DOJ, inatasan ni Pangulong Duterte na pabilisin ang pag-usad ng Maguindanao massacre cases

by Radyo La Verdad | November 24, 2017 (Friday) | 4633

Hinarap sa unang pagkakataon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre sa Malakanyang kagabi.

Tiniyak ni Pangulong Duterte ang ayuda ng pamahalaan sa kanila. Inatasan din nito ang DOJ na gawin ang lahat ng paraan upang mapabilis ang pag-usad ng mga kaso.

Walong taon na ang nakakalipas mula nang maganap ang malagim na krimen sa Maguindanao, subalit nanatiling mabagal ang pagkamit ng hustisya sa 58 napaslang kabilang ang 32 tauhan ng media.

Ayon sa dating abugado ng ilang pamilya ng mga nasawi sa November 23, 2009 carnage at kasalukuyang tagapagsalita ng Pangulo na si Harry Roque, kayang pabilisin ang pagdinig sa kaso kung ipagpapatuloy ng korte ang first-in first-out policy.

Presentasyon ito ng mga ebidensya sa korte laban sa iilang nasasakdal upang mahatulan na kahit isa o dalawa sa mga suspek.

Naniniwala naman ang Presidential Task Force on Media Security na magkakaroon na ng kahit partial resolution sa mga kaso sa ilalim ng Duterte administration.

Dalawa na rin anila sa 188 na akusado sa Maguindanao massacre ang posible nang mahatulan ng korte sa malapit na hinaharap.

Nabuhayan naman ng pag-asa ang mga naiwan ng massacre victims na magkakaroon na ng malaking breakthrough sa kaso.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,