DOJ, ilang senador, tutol sa pagbuwag sa PCGG

by Radyo La Verdad | May 17, 2018 (Thursday) | 4545

Pasado na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill 7376 o ang panukalang-batas upang buwagin ang Presidential Commission on Good Government (PCGG).

Isandaan at animnapu’t dalawang kongresista ang bumoto pabor dito, at sampu lamang ang tumutol.

Sa ilalim ng panukalang-batas, bubuwagin ang PCGG at ililipat sa Office of the solicitor general ang lahat ng trabaho at kapangyarihan nito.

Naitatag ang PCGG noong 1986 upang maghabol sa mga nakaw na yaman ng pamilya Marcos matapos mapatalsik si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Una nang sinabi ni Solicitor General Jose Calida nitong nakaraang taon na nagkakapare-pareho ang trabaho ng PCGG, Office of the Government Corporate Counsel at OSG kayat makabubuting pagsamahin na lamang ang mga ahensiya, pero tutol dito ang Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, igigiit ng DOJ na manatili ang PCGG at OGCC sa ilalim ng kanilang pangangasiwa.

Hinarang din ng noo’y Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang pagbuwag sa PCGG.

Ayon sa dating kalihim, hindi dapat ibigay sa OSG ang PCGG dahil may conflict of interest dito. Dahil mismong OSG aniya ang kalaban ng PCGG sa ilang malalaking kaso kaugnay ng paghahabol sa mga nakaw na yaman.

Tutol din sa panukala ang ilang senador.

Ayon kay Senador Bam Aquino, dapat pa ngang palakasin ang PCGG sa halip na buwagin ito.

Tanong ng senador, kung talagang determinado ang gobyerno na labanan ang katiwalian, bakit nais nitong buwagin ang PCGG na siyang naghahabol sa nakaw na yaman ng pamilya Marcos?

Hindi rin kumbinsido si senador richard gordon na kailangan nang buwagin ang PCGG.

Mula 1986, hindi bababa sa 170-billion pesos ang nabawi na ng PCCG mula sa mga marcos at sa kanilang mga crony.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,