Isang special investigation team ang binuo ng DOJ upang imbestigahan ang mga insidente ng karasahan kabilang na ang pagpatay sa mga katutubong Lumad sa Mindanao.
Ayon kay Sec. Leila De Lima, aalamin sa imbestigasyon kung ano ang puno’t dulo ng mga karahasang ito sa mga Lumad.
Bahagi ng imbestigasyon ang pagtukoy kung sino ang nasa likod ng armadong grupong Bagani na isa umano sa mga pasimuno sa kaguluhan.
Ilan sa mga myembro ng grupo ang nasampahan ng kaukulang kaso.
Ayon pa sa kalihim, may mga nagsasabing militar at mga mining company ang sumusuporta sa grupong Bagani.
Ngunit may mga nagsasabi ring mga rebelde ang nagbibigay ng armas sa grupo.
Dapat din aniyang alamin muna ang tunay na sitwasyon doon at kung ano ang talagang nangyayari sa gitna ng umano’y pag ukupa ng mga sundalo sa komunidad ng mga katutubo.
Binigyan ng dalawang buwan ang panel upang magsumite ng resulta ng kanilang imbestigasyon.(Roderic Mendoza/UNTV Correspondent)