DOJ: Brgy Health Wokers ang dapat na magbahay-bahay sa paghahanap ng COVID-19 patients at hindi mga pulis

by Erika Endraca | July 16, 2020 (Thursday) | 1819

METRO MANILA – Naniniwala si Department Of Justice (DOJ) Secretary Menardo Gueverra na hindi ang mga pulis ang dapat na magbahay-bahay upang hanapin ang mga pasyenteng may COVID-19 na naka-home quarantine.

Sa isang pahayag sinabi ni Secretary Guevarra na ang barangay health workers ang mas nasa posisyon na magsagawa ng house to house dahil mas may kaalaman sila upang matukoy kung dapat dalhin sa quarantine facility ang isang pasyente.

Dagdag pa ng kalihim hindi nila nagpausapan sa pagpupulong ng IATF ang house to house ng mga pulis upang hanapin ang mga COVID-19 patient.

Pero ipinaliwanag naman ni Secretary Guevarra na may ligal na batayan ang gagawing paglilipat ng mga pasyenteng may COVID-19 mula sa kanilang bahay patungo sa quarantine facilities ng Pamahalaan.

Sa ilalim ng mandatory reporting of notifiable diseases law, dapat na i-report ng isang tao ang kanyang sarili maging ang sinomang miyembro ng kanyang pamilya kung ito ay may nakakahahawang sakit na posibleng maging banta sa kaligtasan ng isang komunidad.

Ayon naman kay Joint Task Force Covid Shield Comander Police Liutenant General Guillermo Eleazar magsisilbing escort lamang ng mga barangay at city health officials ang mga pulis.

“Unang-una ang role ng ating pnp ay para tumulong sa ating LGU through their health officers o workers kasi sila ang nakakaalam kung sino ‘yung mga pasyente na positive na para dalhin sa mga isolation facilities” ani JTF CV Shield Commander PltGen. Guillermo Eleazar.

Paliwanag ng heneral kailangang ilipat sa quarantine facility ng pamahalaan ang isang COVID-19 suspect kung wala itong isolation facility sa bahay para hindi mahawa ang kaniyang mga kasama.

Umaasa naman si Eleazar na makikipagtulungan ang publiko sa hakbang na ito ng pamahalaan at wala ng magmamatigas laban sa mga otoridad.

Ang mga pulis aniya na kasama sa pagsundo sa mga COVID-19 patients ay kumpleto sa PPE upang protektahan din ang kanilang sarili.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,