DOJ, aapela sa dismissal ng drug case kaugnay ng P6.4 billion smuggled shabu

by Radyo La Verdad | May 7, 2018 (Monday) | 4479

Maghahain ng motion for reconsideration ang Department of Justice (DOJ) upang iapela ang pag-dismiss ng Valenzuela Regional Trial Court sa isa sa mga kasong may kinalaman sa 6.4 bilyong piso na halaga ng shabu na pinalusot sa Bureau of Customs (BOC).

Dinismiss ng Valenzuela RTC Branch 284 ang kasong drug transportation and delivery laban kina Richard Tan, Mark Taguba at iba pang akusado dahil sa isyu ng forum shopping.

Katwiran ni Judge Arthur Melicor, may kaso nang nakahain sa Manila RTC kaugnay ng smuggled na shabu shipment kayat kinatigan niya ang hiling nina Richard Tan at Mark Taguba na i-dismiss ang kasong nakahain sa kanyang sala.

Pero ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, hindi ito maituturing na forum shopping dahil iba ito sa kasong drug importation na sinampa sa Manila RTC.

Paliwanag ng kalihim, natapos na ang drug importation nang maipasok sa Customs ang iligal na droga. Ibang paglabag na aniya ang nagawa ng mga akusado nang ibyahe ang shabu shipment patungo sa dalawang bodega sa Valenzuela.

Ayon pa kay Sec. Guevarra, handa sila na iaakyat ang kaso sa mataas na hukuman kung kinakailangan. Tiniyak din nito na pupursigihin nila ang kasong drug smuggling sa Manila RTC.

Nitong ika-27 ng Abril, binasahan na ng sakdal si Taguba at ang sinasabing consignee na si Eirene May Tatad.

Isasagawa naman ang pre-trial sa ika-25 ng Mayo.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,