METRO MANILA | 1,151 na mga menor de edad ang nabakunahan sa unang araw ng covid-19 vaccination sa kanilang hanay noong Biyernes.
Ayon sa Department of Health, walang naitalang adverse effects o masamang epekto ng Covid-19 vaccine sa mga tumanggap ng bakuna sa first day ng vaccination.
Inuna sa pediatric vaccination ang edad labindalawa (12) hanggang labimpito (13) na may mga comorbidities o may sakit.
“Naging matagumpay po ang naging simula ng vaccination rollout for our pediatric population with comorbidities. According to the reports, wala po tayong nai- report na untoward adverse reactions among these children vaccinated,” ani Usec. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.
Naunang binakunahan ang mga batang pasyente at may medical record na sa walong (8) piling ospital na pinagdausan ng pilot implementation.
Ayon pa sa DOH, isusunod din naman ang iba pang kasama sa pediatric A3 sa mga susunod na lingo.
Batay sa tala ng DOH, 1.2 million na mga batang Pilipinong edad 12-17 ang may comorbidities.
“Gusto pa rin po ng ating gobyerno at ng ating mga eksperto na masiguro ang ating mga kaligtasan kapag sila ay nabakunahan kaya ito ay gagawin muna sa ating mga ospital kung saan may mga doktor at pediatrician na maaring sumuri sa mga bata. Hindi po itutuoy ng pagbabakuna kung sa pagsusuri ng doktor ay hindi po pwedeng tumanggap ng bakuna ang bata o kaya ayaw ng magulang o ng bata na mababakunahan,” dagdag ni Usec. Maria Rosario Vergeire, Spokesperson, DOH.
Ayon sa Department of Health nakadepende sa tagumpay ng unang bahagi ng pagbabakuna ang pagpapalawig ng pediatric vaccination.
Una nang sinabi ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez, Jr. na pagkatapos ng 30 araw na pilot implementation at naging maayos ito.
Sisimulan naman ang rollout ng pediatric A3 sector sa mga lugar sa bansa na mayroon nang mahigit 50% ng kanilang vaccination coverage sa hanay ng A2 sector o senior citizens.
Samantala, kasabay ng pagbabakuna sa mga menor de edad, muling nagpaalala ang DOH sa mga kabilang sa general adult population, lalo na ang mga senior citizen, na samantalahin ang pagkakataong makapagpabakuna habang bumubuhos ang supply ng Covid-19 vaccines sa Pilipinas ngayong ber months.
Aiko Miguel | UNTV News
Tags: COVID-19 Vaccine, DOH, Maria Rosario Vergeire, vaccine