DOH, umaasang mailalabas ang Executive Order para sa murang gamot bago matapos ang taon

by Erika Endraca | December 12, 2019 (Thursday) | 13200

METRO MANILA – Mabigat na pasanin na para sa mahihirap na Pilipino ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Idagdag pa rito ang mataas na presyo ng gamot na hindi kayang bilhin lalo na ng mga nasa poverty line at nasa malalayo at liblib na mga lugar.

Nitong Setyembre, nagsumite ang Department Of Health(DOH) ng listahan ng mga gamot na sa tingin nila ay dapat babaan ang presyo. Para ito sa Executive Order na ilalabas ng Pangulo.

Positibo naman ang DOH na kinokonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpasa sa Maximum Drug Retail Prices (MDRP) alinsunod sa Cheaper Medicines Act of 2008 o RA 9502.

“Well hopefully as soon as possible but siyempre we have to respect the process, the process is consider all sides, consider all laws that there are no conflicting laws that may prove to be problematic in the future once we actually implement the MDRP..” ani Department Of Health Sec Francisco Duque III.

Aminado ang kagawaran na karamihan sa mga gamot sa bansa ay mahal. Kayat isinusulong ng kagawaran na mapababa ang presyo ng 122 na uri ng gamot sa hypertension, sakit sa puso, sakit sa baga, neonatal diseases at iba’tibang uri ng cancer.

Kamakailan lang, lumabas sa ginawang survey ng pulse asia na 99% ng mga Pilipino ang walang kakayahang bumili ng resetang gamot.

Inihalimbawa ni Health Sec. Francisco Duque ang isang guro na kumikita ng halos P800, sa loob ng 1 taon.

Kapag ito halimbawa ay nagkasakit ng cancer, mabigat na pasan para dito ang 1.5 hanggang 2 Million Pesos na gastos sa pagpapagamot.

“Papaano ka pa mabubuhay noon? May trabaho iyan ha. May sinusweldo yan ng regular pero sa mahal ng gamot para kay nanay, para sa anak, para sa magulang, para sa asawa sa mahal ng gamot aba’y mamumulubi ka talaga, malulumpo ka.” ani Department Of Health Sec Francisco Duque III.

Ayon sa Kalihim, 2009 pa huling nakapaglabas ng kautusan para mapababa ang presyo ng 5 uri ng gamot sa bansa. Para sa kaniya, mas mahigpit ang laban ngayon dahil mahigit 100 uri ng gamot ang gusto nilang mapababa ang presyo.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,