DOH, tiniyak na may mananagot sa umano’y maanomalyang P8-billion barangay health station project

by Radyo La Verdad | June 19, 2018 (Tuesday) | 3934

Dismayado at hindi makapaniwala si Health Secretary Francisco Duque III sa natuklasang umano’y maanomalyang brgy. health station project ng Department of Health (DOH).

Umaabot sa 8.1 bilyong piso ang inilaang pondo para sa proyektong ito na naglalayong makapagtayo ng 5,700 BHS sa buong bansa para magkaroon ng access sa primary care ang mga tao.

Ngunit sa pag-upo ni Sec. Duque sa pwesto, nakita niyang kaduda-duda ang proyekto dahil wala aniyang malinaw na dokumentong nagpapatatunay sa procurement process nito.

Napag-alaman din ng DOH na sa mahigit limang daang BHS na dapat maipatayo, 8 lang sa target na 270 units ang validated na naipatayo at maari nang gamitin.

Tinitiyak ni Sec. Duque na idadaan sa due process ang imbestigasyon nito at muling magkakaroon ng revamp kapag napatunayan na may mga opisyal at tauhan ng kagawaran na sangkot sa maanomalyang transaksyon.

Nagsumite na rin si Sec. Duque ng request sa Ombudsman para sa fact-finding investigation ng naturang anomalous activity ng ilang opisyal ng DOH upang masampahan sila ng karampatang administrative at criminal charges.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,