Bagamat wala pang bagong kaso ng zika virus na naitala sa Pilipinas ay naghahanda na rin ang Department of Health o DOH.
Sa phone interview sa Good Morning Kuya, sinabi ni Lyndon Lee Suy, DOH Program Manager of Re-emerging Infectious Desease na kailangan paring tutukan ang zika virus at pag-ingatin ang publiko dahil sa tropical countries tulad ng pilipinas kadalasang nagkakaroon ng outbreak ng naturang sakit.
Muli rin nitong pinalalahanan ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran dahil ang maruruming lugar ang pinamumugaran ng mga lamok na nagtataglay ng dengue at zika virus.
Kaugnay nito, pag-aaralan ng DOH ang zika virus tulad ng kung paano ito nakaka-apekto sa mga nagdadalang tao.
Sa ngayon , itinaaas na ang alerto laban sa zika virus sa Latin America at sa United States.
Ayon sa DOH, mas delikado ang dengue kaysa zika virus.
Mild lang ang mga sintomas ng zika virus tulad ng trangkaso, pananakit ng kasukasuan, kalamnan, skin rashes at pamumula ng mata.
Ngunit ang malaking problema ay ang naobserbahang , maaring kumplikasyong idinudulot nito sa mga buntis kung saan magkaroon ng microcephaly ang bata o hindi nadedevelop ng maayos ang utak ng isang sanggol.
Kadalasang nakukuha ang zika virus sa kagat ng lamok, at kapag buntis ang nagkaroon nito at nanganak na ay nakapagtatakang maliit ang ulo ng sanggol.
Ayon sa DOH, naitala ang unang kaso ng zika virus sa Pilipinas noong 2012.
Sa mga naunang pagsusuri, nag-negatibo ang bata sa dengue at chingkungunya.
Sa sumunod na pagsusuri, saka ito nagpositibo sa zika virus.
Makalipas ang tatlong linggo, gumaling na ito at simula noon ay wala nang naitalang bagong kaso ng zika virus sa bansa.
(Darlene Basingan/UNTV News)
Tags: DOH Program Manager of Re-emerging Infectious Desease, Good Morning Kuya, Lyndon Lee Suy, zika virus