DOH, tiniyak na handa ang bansa laban sa Monkeypox

by Radyo La Verdad | July 25, 2022 (Monday) | 8470

METRO MANILA – Kasunod ng deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na isa nang public Health Emergency of International Concern ang Monkeypox, tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na handa ang Pilipinas laban sa banta ng sakit na dulot ng Monkeypox virus.

Sa isang pahayag, sinabi ng kagawaran na mula nang maitala ang Monkeypox sa ibang bansa noong Mayo, naghahanda na sila sa posibilidad na makapasok ito sa bansa.

Naglabas na ang DOH ng interim technical guidelines para sa surveillance, screening, management, at infection control ng Monkeypox.

Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng sakit ay lagnat at rashes, na karaniwan din sa chickenpox at measles.

Pero kumpara sa bulutong at tigdas, mabagal ang pag-develop ng rashes sa taong infected ng Monkeypox, at madalas ay mas marami sa mga palad at talampakan.

Kabilang din sa mga sintomas ng Monkeypox ay kulani, na wala sa chickenpox, at occasional lang na ma-develop sa taong infected ng measles.

Maaaring maipasa ang Monkeypox sa pamamagitan ng open wounds, body fluids, at respiratory droplets ng tao o hayop na infected ng sakit.

Bagaman wala pang kaso ng Monkeypox sa Pilipinas,nagpaalala ang DOH sa publiko na sundin ang protocol na ipinatutupad kontra COVID-19 para maiwasang mahawa sa nasabing sakit.

Tags: , ,